Sunken Garden

•April 29, 2007 • 14 Comments

Masaya kong tinitigan ang mga ulap habang inaamoy ang kulay-kaking damong kinauupuan. Tag-araw pero hindi alintana ang init ng simoy ng hangin, parang magiliw na haplos ng isang bata. Tag-araw, pero parang isang malawak at umaawit na lilim ang mga ibon sa langit. Musika ang tawanan ng mga batang naglalaro ng habulan sa kabilang dako ng parke. Nakakatuwang panoorin ang mga nangingibig sa ilalim ng mga puno. Payapa.

Naisip kong maraming sekretong itinatago ang parkeng ito, mga sekretong nabunyag sa ibabaw ng mga damong handang kumalinga sa mga gustong magbuhos ng tuwa o luha, sa ilalim ng mga punong hindi tatalikuran ang talumpati ng sinuman. Makailang beses na rin akong nakakita ng mga umiiyak – mag-isa o grupo – at nakarinig ng mga humahalakhak habang hinihintay ang paglubog ng araw. Ito ang tahanan ng mga taong nais maranasan ang yakap ng isang mapayapang mundo, taliwas sa pangungutya.

Ate, bili ka na. Pasensya na, ah, may ipit pa kasi ako. Sige na, ‘te, baon ko lang bukas. Pasensya na talaga. Saan ka ba nag-aaral? D’yan lang po sa Balara. Anong grade mo na? Greyd 6 na po ako, ‘te. Alam mo, ‘te, ga-gradweyt na nga po ako sa linggo. Huwaw! Astig, ah, congratulations. Gusto ko pong yumaman. Ako rin, pareho pala tayo ng pangarap. Pag-igihan mo lang ‘yang pag-aaral mo. Eh di itutuloy mo yung high school? Opo, siguro. Asan ba mga magulang mo? Baket ka nagtitinda? Yung nanay ko po nangangalakal din dito ng basura, yung tatay ko po iniwan na kami. May pamilya na s’yang iba. Sinasaktan n’ya nga po ang nanay ko dati. Eh, yung mga kapatid mo? Yung kuya ko po, hindi na nag-aaral, nagsusugal lang po tapos hindi pa nagta-trabaho, sinisigawan n’ya pa nanay ko tsaka sinasaktan kami kapag hindi s’ya binibigyan ng pera. Yung ate ko po hayskul, ako yung sumunod sa kanya. Tsaka yung bunso, greyd 1 po. Pareho pala tayo ng istorya ng buhay, eh. Ha? Baket po? Mahabang istorya, pero magulo rin ang pamilya namin. Pero kahit na magulo, gusto ko pa ring yumaman, marami akong pangarap para sa kanila na gustong tuparin. Hehe. Ako rin po! Yung nanay mo na lang pala kasama n’yo. Paglaki ko gusto ko magkaroon ng power. Para pag matanda na nanay ko pababatain ko s’ya. Ayos, ah! Gusto ko rin n’yan. Sabi n’ya sa akin dati, gusto n’ya raw kapag namatay na s’ya, dun s’ya ililibang sa isang malaking bahay, yung parang sa mga intsik, para pag magbibisita kami may matutuluyan kami. Para raw hindi s’ya dadaan-daanan lang tsaka tatapaktapakan kapag may mga dumadaan. Okey lang daw na nasasaktan s’ya ngayon, pero ayaw n’ya raw po kapag patay na s’ya. Kawawa naman nanay mo, eh di s’yempre mahal na mahal mo s’ya? Opo. Ilang beses ka bang mag ‘I love you’ sa isang araw? Hindi po. (Tawa.) Nahihiya po ako. Hindi ko nga po maibigay yung mga kard na ginagawa sa skul kapag balemtayms. Aasarin lang ako ng bunso kong kapatid, parati akong inaasar nun, eh. ‘Te, anong pangalan mo? Ako? *toot* Ikaw? Jepriy po. May boyfriend na po kayo? Baket ka nagtatanong? Liligawan mo ako? (Tawa.) Hindi po. Wala lang po kasi kaleyj na kayo, diba? Wala, eh. Di naman kailangan sa buhay ‘yan, di naman ako payayamanin n’yan. (Tawa.) ‘Te, may tugtog ba ‘yan? Alin? ‘Yan, o, yung nakasabit sa leeg mo. Ah, ito? Oo, gusto mong makinig? Sige! Eraserheads ‘yan. Alam ko ‘to, ah. Maliit na butas lumalake! Konteng gusot dumarame…’Te, o! May eroplano. Oo nga…taas ng lipad, ‘no?

Advertisements

Kaleyj

•April 26, 2007 • 9 Comments

Nagsimula na ang klase. Halatang may pag-aalinlangan kong binati ang bago kong kurso. Sumagi sa isip ko na baka mali ang papasukin ko, na baka magsisi ulit ako, maraming beses. Pinilit kong patakbuhin ang aking imahinasyon, maari rin sigurong maganda ang hinaharap ko rito, maari rin sigurong mahanap ko ulit ang nawawala kong pagkatao. Nahirapan ako. Pero sige, subok lang.

Inaamin kong naguguluhan pa rin ako. Alam kong hindi ko naman talaga gusto ang kurso dahil hindi naman talaga ito ang pangarap ko. Kaya lang naman ako lumipat kasi wala na akong ibang mapagpilian. Wala na rin akong magagawa, heto na, eh.

Dalawang semestre na ang lumipas. Summer sunshine na pero sa dormitoryo pa rin ako nakatira. Nag-aaral kahit bakasyon. Sa bagay, sanay naman ako – hindi rin naman ako umuwi sa nakalipas na dalawang bakasyon.

Dalawang semestre na ang lumipas pero hindi pa rin nagbabago ang pangarap ko. Simple lang naman ang pangarap ko: ang malaman kung ano talaga ang pangarap ko.

Six years old yata ako ng ginusto kong maging abogado. Sabi kasi ng tatay ko ‘yon daw ang nababagay sa akin at para raw may magtanggol sa kanya kapag dumating ang panahong kailangan n’yang humarap sa hukuman.

Fourteen years old naman ako ng plinano namin ng nanay ko na sa halip na kumuha ng kurso upang ihanda ang sarili sa pagiging abogado, mag-Nursing na lang daw ako. Maraming pera kasi doon – hindi ka lugi. Sige! Sounds good!

Fifteen years old ako ng malaman kong ayaw ko palang mag-Nursing – ito ay matapos kong pumasa sa pinakamatanyag na unibersidad sa bansa. Itinuloy ko ang kursong Computer Science. Sosyal naman ang titulo ng kurso at mahilig naman ako sa kompyuter. Pero bago nangyari ‘yon nagkaroon kami ng mahabang diskusyon ni nanay, pinagalitan n’ya ako. Dapat daw mag-Nursing ako kasi andun daw yung pera – ano naman daw ang mapapala ko sa Computer Science? (Hindi n’ya pa kasi alam noon na Php150,000 ang suweldo ng isang Computer Scientist sa Singapore.) Pero sa huli, ako ang nagwagi. Ang sabi ko sa kanya ‘akong bahala sa’yo.’

Seventeen years old, patapos na ang unang semestre ng ikalawang taon ko sa unibersidad, nagsimula akong mapaisip. Binalikan ang mga class cards, tinitigan ang mga grado. INC -> 3, 4.0 -> 3.0, 5.0, etc. Syet.

Seventeen years old, matapos ang mahabang Christmas vacation, muli kong nalanghap ang maruming hangin ng Quezon City. Enero…

Tuldok: Ma, gusto kong mag-shift. *pilit na pinipigilan ang pag-hikbi*

Nanay: Ha? Sige. Anong kurso?

Eighteen years old ako ng nalaman kong natanggap ako sa Kolehiyo ng Pantahanang Ekonomiya, sa kursong BS HRIM.

Eighteen years old, dise-otso. Ngayon. Nangangarap pa rin ako kahit nahihiya na ako sa sarili ko at sa mga umaasa at aasa pa sa akin.

Apat na araw. Kaarawan ko na. Natatakot akong baka hindi ko pa rin alam kung ano ang pangarap ko.

Tanga

•October 11, 2006 • 11 Comments

May mga taong ipinanganak sa pamilya ng mga relihiyoso, yung tipong bawat anak ng mga tiyahin mo…pari. Yung iba naman sa pamilya ng mga sundalo, kaya mahirap kung bakla ka. Pero paano naman kaya mabuhay sa loob ng pamilya ng mga negosyante?

May lahi akong Intsik, hindi nga lang halata. Purong Pilipino kasi ang tatay ko at kalahating Instik naman si nanay. Yung lolo ko ang purong Intsik, oo, yung tipong bulol magsalita ng lengguwahe natin. Kasama si lolo sa henerasyon ng mga Intsik na umalis ng Tsina ilang taon matapos ang Ikalawang Opium War. Hindi ko na s’ya naabutan pero maraming beses ko na rin pinagmasdan ang histura n’ya sa mga litratong nakatago sa maliit na silid-bihisan ni nanay. At napansin ko rin na iilan lang sa walong anak n’ya ang nagmana sa kanya. Isa si nanay doon. Hindi maikakailang may dugong Instik ang nanay ko. Unat ang buhok, maputi at makinis, at singkit ang mga mata. Hindi mayaman ang pamilya nila pero masipag daw si lolo, hindi nga lang gaano marunong magtago ng pera. Nag-aral sa Chinese school ang nanay ko, pero hindi s’ya natutong magsalita ng diretso sa Fookien at Mandarin. Numero at ilang salita lamang ang natutunan n’ya, ganoon rin ang sitwasyon ng mga kapatid n’ya. Nagdesisyon s’yang mag hanap-buhay noong nagtapos s’ya sa sekondarya, simula noon…paghahanap na ng pera ang naging buhay n’ya. Uso pa ang fixed marriage noon kaya ipinagkasundo si nanay sa isang lalaki na mula sa pamilyang puro Intsik. Hindi n’ya gusto kaya nakipagtanan s’ya sa iba, sa tatay ko.

Bangungot ang unang dalawang taon ko sa grade school, pinag-aral ako sa Chiang Kai Shek School sa probinsya. Magaling at kasama ako sa mga natatangi sa regular na klase (English, Math, Science, etc), pero bobo naman ako sa Intsik. Hindi Intsik si tatay, hindi diretso mag-Intsik si nanay kaya hindi ako na-praktis sa bahay. Makalipas ang dalawang taon, inilipat ako sa public school.

Magaling na negosyante si nanay. Isa s’ya sa tatlong babae sa kanilang magkakapatid. S’ya rin ang may pinakamalaking negosyo. Malaki ang tubo. Yun nga lang, ipinambabayad lang sa interes ng utang sa bangko (mahabang istorya ‘yan, ‘wag na natin pag-usapan).

Magaling na negosyante si nanay, yun nga lang pumapaltos sa pagiging ina at asawa. Hindi naman masamang ina at asawa ang nanay ko — sa katunayan, mabait s’ya at ‘yan na rin ang naging problema. Sa sobrang bait tila ba nagpapakamanhid na s’ya at nagpapakabulag sa mga ginagawa ng asawa’t mga anak n’ya. Ika nga nila, isang modern martyr. Nasasaktan ako tuwing naririnig ang mga katagang ‘yan kapag inilalawaran nila ang nanay ko, s’yempre, nanay ko ‘yon, eh, at ang pagiging martir ay higit na negatibo kaysa positibong katangian. Minsan nasasambit ko rin ‘yan kapag napapagalitan ko s’ya, minsan nga nadudulas pa ako’t binabansagan ko s’yang tanga. Totoo naman yun at wari ko’y alam n’ya rin na tanga s’ya.

Balik sa pagiging negosyante, marami kaming negosyo — may hardware, feed shop, tailoring shop, bumibili rin kami ng copra, nagtitindang tiles, at lumber dealer ang nanay ko — at lahat ng iyan sabay-sabay na pinamumunuan ng nanay ko. Magaling, masipag, s’ya ‘yan. Rich kids nga raw kami. (Akala lang nila ‘yan.)

May kanya-kanya ring negosyo ang mga tiyahin ko. Yung pinakamatanda, may bakery at feed shop, malakas ang negosyo niya. May tatlo s’yang anak, lahat nagtapos ng kursong Business Administration – yung una: Major in Marketing, yung pangalawa: Major in Management, at yung bunso: Major in Entrepreneurship. Kinarir nila. Lahat ng ari-arian ng tiyahin ko, nakapangalan na sa tatlo n’yang mga anak. Pati na rin ang mga negosyo, magagaling naman ang mga pinsan ko, hindi maikakailang mga negosyante. Isang taon lang ang tanda sa akin ng bunso nila – manager na ng bakery, may dalawang bahay na. Yung nag-iisang babae, yun yung pangalawa, halos tatlong taon ang tanda sa akin, manager na ng feed shop, may dalawa ring bahay. Yung pinakamatanda naman, kasing-edad lang ng ate ko – may sarili nang paupahan at may sarili na ring bahay.

Yung sumunod naman sa nanay ko, may ari ng sari-sari store. Pero hindi yung sari-sari store sa tabi-tabi – malakas yung tindahan nila. Ang yaman n’ya nga, eh. Wala nga lang s’yang anak. Kaya kami na lang ang tagapagmana.

Kami? Walang kumuha ng kursong komersyo sa amin. Wala namang pakialam ang mga kapatid ko. Ako? Gusto kong umuwi na lang at tumulong sa negosyo, tumigil na sa pag-aaral at pag-aralan ang mga transaksyon sa tindahan kaya lang ayaw ng nanay ko. Ako ang pinakamagaling sa aming magkakapatid — sabi nila. Ako raw ang mag-aahon ng nanay ko sa kahirapan at depresyon, aayusin ko raw ang pamilya namin. Ako ang bida parati kapag pinag-uusapan kaming magkakapatid sa reunion. Nangingiti at natatawa na lang ako pero putang ina…tama na. Pakiramdam ko itinapon nila sa akin lahat ng responsibilidad na tinanggihan ng mga kapatid ko’t tatay ko.

Nahihirapan na ako.

Bulutong

•August 13, 2006 • 8 Comments

Dalawang linggo akong absent sa eskwela. Dalawang linggong halos ikulong ang sarili sa kuwarto. Hindi, hindi ako depressed, lalong hindi akong nagdodroga. Binulutong lang kasi ako.

Oo, bulutong a.k.a. chicken pox. Umuwi ako ng probinsya dahil iniwasan kong makahawa. Ayaw kong manira ng buhay ng ibang tao. Mahigit dalawang linggo rin ako sa bahay at kapansin-pansing marami akong naiwan na responsibilidad. Hindi ko naman sinasadya, hindi ko naman ginustong tubuan ng mga paltos sa buong katawan.

Hindi pala nakakatuwang magka-bulutong. Noon ko lang ulit naranasang magkaroon ng trangkaso. Wala akong ganang kumain. Nanlalamig ako kapag madaling araw. Nahihirapan akong kumilos sa takot na sumabog na lang bigla yung mga bulutong. Madali akong naiirita. Ayaw kong may lumalapit sa akin. Putang ina, kulang na lang murahin ko ang nanay ko. Akala ko mamamatay na ako.

Sa loob ng dalawang linggong pagkabilanggo ko sa apat na sulok ng kuwartong matagal ko nang hindi nakita, kasabay ng nakakatakot na pagpintig ng mga tumubo sa braso’t mga kamay ko, marami akong naalala’t napag-isipan. Malambot pala ang kama ko. Ang suwerte ko.

Sa mga oras na inaalagaan ako ng nanay ko, daan-daang bata ang naghahanap ng kalinga ng isang ina. Sa mga oras na natutulog ako sa malambot kong kama, libu-libong pamilya ang walang maayos na mahigaan sa gabi, libu-libo ang walang matirahan. Sa mga oras na kumakain ako ng inihandang almusal ng kasambahay namin, milyun-milyon na ang namamatay sa gutom.

Habang masaya kang nakikipagkuwentuhan sa kaibigan mo, may mga babaeng sumisigaw, humihingi ng tulong, pinagsasamantalahan ang kahinaan. Habang namimili ka ng sapatos sa SM, may batang nasagasaan sa isang kalsada matapos s’yang murahin ng mamang hinihingian n’ya ng kaunting limos na nakasakay sa kotseng kinatukan n’ya ng bintana. Habang naglalaro ka ng Final Fantasy sa Play Station, dalawang magkapatid ang binubugbog ng tatay nila.

Madalas — parati, wala tayong malay sa mga nangyayari sa paligid natin. Pero bakit nga ba? Nakatira naman tayo sa mundong pinangyayarihan ng mga kamaliang ito. Ah, siguro dahil mahabang panahon na tayong nakakulong sa isang mundong hindi natin namalayang nabuo sa pagnanais nating lumayo sa pananamantala ng totoong mundo. Siguro nga.

Takipsilim

•May 17, 2006 • 7 Comments

Nakakatakot pagmasdan ang pagsikat ng araw, nahahabag ako tuwing naririnig ang tilaok ng mga manok at nanlalamig kapag alam kong muling babati ang mga bulaklak at paru-paro sa malamig na umaga.

Hindi madali para sa ibang tao ang gumising sa umaga. Hindi madali para sa akin. Pinipilit kong ngumiti, umunat, humikab na parang walang pakialam sa sinag ng araw na tumatagos sa bintanang nakasara. Pinipilit kong batiin ang haring araw na walang ibang iniisip kundi ang tamis ng ihip ng hangin na yumayakap. Ngunit mapait ang lasa ng sinag, nilulunod ako ng banaag. At kahit anong pilit kong paniwalain ang sarili sa tamis ng hangin, natatalo ako ng sakal nito.

Wala na akong ibang magawa — kundi ang maghintay.

Tila buhos ng malamig na tubig ang paglubog ng araw. Panaklolo ang takipsilim. Nababahiran ng uling ang paligid. Nagsisilbing kumot ang dilim. Naililihim ang mga kamalian. Naitatago ang mga luha.

Tingin Mo?

•May 2, 2006 • 9 Comments

Nai-post ko na 'to dati, kailangan ko lamang ng ilang komentaryo.

Mundong RGB vs. Mundong CYMK

Para na naman akong naglalakad sa buwan kanina. Parang isang music video: Malamig ang hangin, nag-iisa, nakatingin sa malayo, tila malalim ang iniisip. Mga kalahating oras din siguro ako ganoon hanggang sa maalala ko na nasa Maynila pala ako – sa gitna ng kalsada. Bilisan mo! Putang ina! Baka mamatay ka na wala sa oras! ang pumasok sa isipan ko ng makita kong papalapit ang isang asul na garbage truck. Hindi ko naman sinasadyang magmukhang tanga sa gitna ng kalsada at lalong hindi mo naman ako masisising magpadala sa kung saan sa ihip ng hangin. May iniisip ako. Marami. Tumingin ako sa wristwatch ko at nakitang nakaturo na ang nakangiting si Pooh sa 5. Shit, ang tagal kong nawala sa sarili. Kailangan ko na palang magpaalam sa real world at bumalik sa mundong tila binahiran ng mga itim at puting crayola.

Nalulungkot ako kapag bumabalik sa mundong walang ingat kong hinubog mula sa sakit at luha. Nababanas ako kapag naiisip kong kailangan ko na namang magtago sa ilalim ng isang itim at mainit na belo. Hindi ko sinasadyang maging maramot sa mundong ito pero naghahanap ang pagkakataon ng paraan upang mapilit ako. (Hindi ko intensyong magdrama.)

Bumilis ang mga yapak ko. Bilis! Bilis! Takbo! Takbo! Naghabol ako. Tinulinan ko pa hanggang sa dumilim ang paligid at ang mundo ay para na lamang pinaghalong tikwas ng kulay na asul, pula at luntian. Ang mga ilaw, naging bituin. Ang maiitim na usok, naging kumot na langit. Tumingin muli ako sa orasan, nakangiti pa rin si Pooh, habang nakaakbay sa parang natatakot na si Piglet, gumagalaw pa rin ang kamay, nakaturo hindi sa isang direksyon, mabilis, pabilis ng pabilis – umiikot! Tigil. Yumuko ako. Kinakabog. Kinamot ang ulo. Nasa bahay na pala ako.

Ang sarap makipaghabulan sa oras.

Ang sarap pagmasdan ng mundong may kulay.

Ang RGB (Red, Green, Blue) ay ang tatlong kulay na pinapaghalo upang mabuo ang iba't-ibang kulay sa isang computer monitor.

Ang CYMK (Cyan, Yellow, Magenta, Black) ay mga kulay na ginagamit naman ng isang printer.

Sa madaling salita, ang CYMK at RGB ay mga kulay na ginagamit ng mga makina upang gayahin ang kulay ng 'real world'. Ngunit ayon sa aking propesor, higit na malapit sa tunay ang mga kombinasyon ng RGB kaysa mga kombinasyon ng CYMK.

Maraming Salamat.

Si Tatay

•April 30, 2006 • 3 Comments

(Pakiusap, pagnilayan mo muna ang huling entry bago mo ito basahin. Oo, kahit mahaba.)

Galit ako sa mga taong nagagalit sa akin kapag sinasabi kong wala akong pakialam sa tatay ko. Siguro may dahilan kung bakit sila nagagalit. Kung para sa kanila isang malaking pagkakamali yun, sa akin — sapat ang dahilan ko upang kasuklaman s’ya.

Buhay-prinsesa ako noong maliit ako. Pakiramdam ko kontento ako, lahat meron ako, lahat ng hilingin ko, ibinibigay sa akin. Hindi ko ikinakailang lumaki ako na hindi salat sa kahit anong materyal na karangyaan. Mayaman kami (dati). Marami akong laruan. May trabaho ang tatay.

Kapalit ng labis-labis na materyal na bagay ang maagang pagnakaw sa pagkabata naming magkakapatid. Lumaki kaming araw-araw ginigising ng bulyawan ni tatay at ni nanay. At habang mahimbing na natutulog ang mga kalaro ko sa gabi, patuloy ang pag-iyak namin. Madalas din kaming gabi-gabing lumalabas para lamang hanapin si nanay, naka-bisekleta, basang-basa ang pisngi ng luha at kinakabog na baka hindi mahanap si nanay o baka maabutan ng mga asong napukaw namin.

Galit ako sa nanay, hindi n’ya kasi ako pinapansin. Ang hindi ko alam, sinisira ko na pala ang buhay n’ya.

Apoy sa likod ng kusina, mga papel na sinusunog, gusto kong buhusan ng tubig yung mga kahel na kamay na pilit inaabot ang langit, nanginginig ako, gusto kong umiyak pero papaluin daw ako ni tatay.

Mahapdi ang asin sa ilalim ng mga tuhod ko, naiihi na ako, nangangawit na ang mga braso ko, mabibigat yung mga libro, gusto ko nang tumayo sa pagkaluhod pero natatakot akong mahagupit ulit ng bakal sa dulo ng sinturon ni tatay.

Nasusuka na ako, hindi na kaya ng katawan ko, katatapos ko lang linisin ng buong bahay, parusa ni tatay, nasa likod ako ng grotto, ang daming dumi ng pusa, hindi ko na kaya, pero kailangan kong tapusin ‘to, magagalit si tatay.

Gusto ko nang tumigil pero baka maabutan ako ni tatay, kumikirot pa rin ang kalamnan ko, malakas yung pagkasuntok n’ya, sumusuko na yung mga paa ko, galing pa ako ng bahay, madaling araw na, nakarating ako ng palengke, nagtago sa likod ng isang tindahan, umupo sa malamig at maruming palitada, at nagsimulang magdasal.

Ginising ako ni tatay, amoy alak s’ya, sinapak ako, natumba at nakabig ang Christmas Tree, malakas itong bumagsak, tumakbo ako pababa at aksidenteng nasabit ang kanang paa sa pako, tumutulo ang dugo.

Pinilit kong isara ang mga tainga ko, inutusan kong huwag tumulo ang mga luha ko, pero sinuway nila ako, patuloy kong naririnig si nanay na humihingi ng tulong sa lolo kong matagal nang patay habang parang sanggol na nakabaluktot sa sulok ng kuwarto. Kunin n’yo na ako…gusto ko nang mamatay…ayaw ko na dito!!!

Tumigil ang puso ko, nandidilat ang mga mata ko, hindi ako makagalaw, natatakot na baka madurog sa daan-daang bubog ang salamin sa ibabaw ng hapag, nagalit si tatay kanina habang kumakain kami, sinuntok n’ya ang salamin gamit ang basong hawak-hawak n’ya sa kanang kamay at nahati ito sa gitna, tumakbo silang lahat papalabas, naiwan akong mag-isa, hindi ako umiyak, pero pabulong kong hiniling na mamatay na lang, paulit-ulit.

Tunog ng putok ng baril, nanggaling sa itaas, dalawang beses, nayanig ang buong katawan ko, ayaw ko na.

Marami akong mga alaalang pinipilit kalimutan. Ilan lang ‘yan. Pero kahit anong subok ko, pinupuno pa rin nila ang isipan ko. Kahit sa pagtulog ayaw nila akong lubayan.

Maraming taon akong naging suicidal. Maraming taon kong pinilit kalabanin ang mga alaalang dahan-dahang sumisira sa pagkatao ko. Maraming taon akong nagkunwaring normal ang mga nangyayari. Maraming taon kong niloko ang sarili ko. Maraming taon akong nagtago sa likod ng isang maskara. At hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang maskara.

Mula nang magkamalay ako hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon. Ganoon pa rin, patuloy ang pagtulo ng mga luha, ang pagdarasal ni nanay, ang ngasngas ni tatay, at ang matinding takot.

Sana…bago n’yo ako pagalitan, alamin n’yo muna ang katotohanan kung bakit ko hinihintay mawala ang tatay.