Serbisyong Pampubliko

Mag-aalas dose na. Pilit na kinukumbinsi ang sarili, okay lang ‘yan, aabot ‘yan. Now Serving: 2450. Muling tiningnan ang kapirasong papel na hawak-hawak, na para bang hinihintay na mamadyik ang mga nakasulat na numero: 2615. Hindi pa rin nagbabago. Halos isang oras na rin akong malagkit na tinititigan ng lalaki sa likuran ng kaharap ko, gusto ko na ngang dukutin ang mga mata, andami namang ibang babae, ako pa ang napagtripan. Letse, at pangiti-ngiti pa. Akala mo kung sinong Aga Muhlach, eh kahawig naman si Ogie Alcasid. Pinailaw ang cell phone: 11:45. Tiningnan ang wrist watch: 11:50.

Dalawang oras akong pumila sa NSO para sa pag-request ng Birth Certificate ng aking boypren. Parang isang malawak na pier ang kanilang opisina. Daig pa yung mga warehouse sa mga pelikula ni Jackie Chan kung saan dinadala ang mga kini-kidnap. Hindi ako nag-enjoy. Payo lang, kung may gerpren ka, ‘wag kang magkakamaling utusan s’yang mag-request ng anumang dokumento mula sa mga ahensya ng gobyerno. Parusa tawag dun.

Habang nakaupo ako’t naghihintay, hindi ko maiwasang mamangha sa mga nakita. Parang palengke. Mahigit limang libo siguro ang taong nagsisiksikan, kulang ang mga upuan, mainit ang hanging umiikot.  Mula sa bandang likuran, kapag itinaas mo ng mga 30 degrees ang iyong tingin, hindi mo maiiwasang mapadaing sa posibleng makita. Habang kulang na kulang ang bilang ng bentilador sa bilang ng tao, naroon ang mga empleyado ng gobyerno sa loob ng kanilang malalamig na opisina. Hindi na nahiya ang mga empleyadong ito at para pa ngang display window ang istilo ng opisina nila. Hindi ko na sinubukang bilangin kung ilang air con mayroon, baka kasi mapapulot ako ng bato’t maihagis ko sa nakaladlad nilang ka-arogantehan. Kurtina. Kurtina lang naman pwede na.

Masusungit ang mga matatandang nagpupumilit mauna sa pila dahil senior citizen naman daw sila at masusungit din ang mga guwardiya, wala hong senior-senior dito. Makailang beses akong palipat-lipat ng upuan habang palapit ng palapit ang numerong hawak-hawak ko sa numerong nakasulat sa malalaking digital screens. Ilang beses ko ring sinubukan i-enganyo ang mga nakatabi ko sa maikling usapan, karamihan oo at hindi lang ang sagot habang ang iba nama’y ayaw na paawat. Tatlong minuto bago mag-alas dose, tinawag na ang pangkat ng mga taong may hawak na numero mula 2600 hanggang 2650. Kami na yung huling grupo bago magsara ang opisina para sa hapunan. Mayroong humigit-kumulang sampung bintana na kung saan pwedeng pumila at magbayad. Pagpasok ko sa payment area, dalawa agad ang nagsara habang walang taong pumipila at, kung hindi ako nagkakamali, limang tao sa bawat dulo ng lima pang pila ang inabutan ng guwardiya ng laminadong papel na may nakasulat na CLOSED. Ibig sabihin, hindi ka na puwedeng dumugtong dahil maga-alas dose na. Hindi lang ako ang nabanas sa nangyari, pati ang tatlong senior citizens sa aking unahan.

Aba’y hindi pa naman alas dose baket sila nagsasara na!

Dapat hindi sila nagbe-break, nagshi-shift na lang!

Ano ba naman ‘to, basta gobyerno talaga.

Tama naman sina lola’t lolo. Hindi ko ring maintindihan kung baket kailangang tumigil sa pagtanggap ng bayarin ang mga bintana, eh hindi pa naman alas dose. Siguro may mga ilang bagay pa silang dapat tapusin bago maghapunan, ayaw din naman nilang mabawasan ang oras ng kanilang break. Siguro hindi rin sila lumalabag sa mga alituntunin ng kanilang opisina. Pero higit siguro talagang magiging epektibo ang pagpo-proseso kapag lahat ay totoong alas dose nagsasara ng bintana. Halos isang daan pa siguro ang kanilang maaaring mapagsilbihan kung sila’y hindi maagang nagsasara.

Sa lahat ng ahensya ng gobyernong napuntahan ko, isang katangian ang aking napansin na tila lahat sila’y nagtataglay: ang kawalan ng tunay na respeto sa mga mamamayan. Hindi ako galit sa mga empleyado ng gobyerno, siguro hindi naman talaga sila ang may problema kung hindi ay ang pamamalakad at kawalan ng sapat na training. Siguro rin ay isang incentive na rin nila ang pagkakaroon ng malamig na opisina kapalit ng kakarampot nilang sahod. Sa aking opinyon, walang gaanong motivation ang mga ordinaryong public employees maliban na lang kung siya ay nasa mataas na posisyon o kaya’y nagnanais na palitan ang kalihim ng ahensya. Ito ang mga empleyadong walong oras ng nakaupo sa harap ng kompyuter, habang sabay na nakikipagtsismisan sa katabi n’yang kumakain ng barquillos. Na kapag iniabot mo ang iyong dokumento ay iirapan ka’t pagsusungitan kapag hindi mo nailabas agad ang kanyang hinihingi.

Ito ang kaibahan ng serbisyong pampubliko sa serbisyong kayang ibigay ng mga pribadong kompanya. Sa pribadong kompanya, kapalit ng may kamahalang bayad, ay ang malamig na waiting area, mabilis na pagpoproseso at mga empleyadong kayang ngumiti ng walong oras. Samantalang sa NSO, PCSO, GSIS, atbp. hindi makapagrereklamo ang ordinaryong mamamayan kung pagtaasan s’ya ng kilay ng babae sa counter.

Nababanas ako sa sarili ko kapag ikinukumpara ko ang kalagayan ng bansa sa mga first world countries. Para kasing tinatanong ko sa sarili kung saan ako mas nasasarapan, okra o juicy pork barbecue? (Eh di malamang okra! Joooke. XD) Kung ikaw ay isang turista, pagbaba mo pa lamang ng paliparan (i.e. NAIA), mabilis mong maaanalisa ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas. Hindi makakapagbalat-kayong mahirap ang ating bansa. Nasasalamin ito ng pagtrato ng mga empleyado ng gobyerno sa mga ordinaryong tao. Malaki ang respeto ko sa mga government employees, pero nawawala ito kapag ipinamumukha na sa akin ang utang na loob na dapat kong tinatanaw mula sa kanila. Ang pagiging government employee ay isang paraan upang makapagsilbi sa publiko. Pero sa tunay na mundo, malabo ata ang kasabihang iyan.

~ by tuldok on August 20, 2009.

One Response to “Serbisyong Pampubliko”

  1. aus lng yan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: