Maraming Namamatay sa Maling Akala

Masaya ako. Masaya ako dahil nakita kong may nagtiya-tiyaga pa palang magbasa ng blog na ‘to. Kahit isang beses sa limang buwan ako kung mag-update, may mga taong hinahalukay ang mga nakaraan kong isinulat. Maraming salamat. Baon n’yo sa pag-alis ang ilang parte ng istorya ko sa buhay.

Makailang beses ko ring pinag-isipan kong kailangan ko bang magpakilala o hindi. ‘Pagkat hanggang ngayon ay nakatago pa rin ako sa pangalang Tuldok. Dahil na rin siguro sa takot kaya ibinasura ko ang layuning ibunyag ang tunay na pagkatao. At dahil kahit papaano’y nagagawa kong makapagsulat na may buong kapasyahan sa aking mga talata sa ilalim ng isang alyas.

Matagal akong hindi nakapagsumite ng isang akda. Galing kasi ako sa malayong lugar. Kung inyong naaalala, nabanggit ko sa isang nakalipas na sanaysay na plano kong pumunta ng esteyts upang kumpletuhin ang isang requirement sa aking unibersidad. Natuloy ako. Halos apat na buwan din akong nagtrabaho sa isang restwaran, isang All-American franchise sa silangang bahagi ng kontinente ng mga puti. Ngunit sa aking pagkamangha, hindi lang mga puti ang nakasalamuha ko sa lugar na iyon. Kundi mga taong nag-ugat mula sa iba’t-ibang parte ng mundo. Unang beses kong bumisita ng lugar sa labas ng ating bansa.

Ang esteyt ng Texas ay nasa katimugan, kung saan nakakabit ang kontinente ng Timog Amerika. Kaya’t napakarami kong imigranteng nakasalumaha. Napakaraming Asyano sa siyudad kung saan ako tumira. At lalo pang marami ang mga Hispanic. Vietnamese, Taiwanese, Japanese, Mexicans, Colombians, Argentinians, Brazilians, Puerto Ricans, atbp.

Puti. Dilaw. Kayumanggi. Itim. Mga kulay ng balat na gumulat at nagsayawan sa aking paningin. Malaki ang aking pasasalamat at nabigyan ako ng isang hindi matatawarang pagkakataon na makita at makilala ang isang kulturang inakala kong pamilyar. Maraming bagay ang aking ikinagulat ngunit akin ring ikinatuwa. Gusto ko sanang ipagpatuloy ang pagkukuwento tungkol sa aking paglalakbay ngunit may mga ilang bagay na gumugulo sa aking isipan. Hindi ako makapag-isip ng diretso. Nababagabag ako.

Karamihan sa aking mga akda ay tungkol sa aking pamilya. Hindi man direktang ipinahihiwatig ng ilan, kung susuyurin ninyo ang kadahilanan, ang buhay ko sa loob ng aking pamilya ang ugat o impluwensya. Sabi nga nila, malaki ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pamilya. Maraming magandang bagay ang naidudulot ng pag-uugaling ito, ngunit marami ring pagkakataon na hindi nakakatuwa ang maaring mangyari dahil sa pagpapahalagang ito.

Umuwi ako para sa undas. Para bisitahin ang aking ama. Oo, tama. Wala na Si Tatay. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang nakawin ng sakit na liver cirrhosis ang kanyang buhay. Mahigit isang taon ko ring inakalang okay na. Matapos mawala si tatay, naniwala akong okay na ang lahat, wala nang dapat alalahanin. Malaya na kaming makapagsisimula ulit. Nagkamali ako. Muli akong dumaan sa isang masakit at mahabang depresyon.

Maraming bagong bagay ang nais kong ibahagi ngunit hindi ko magawa. Marahil masakit pa rin kaya hindi ko kayang ikuwento. Marahil nahihiya akong malaman ng ibang tao ang sekreto ng aming pamilya. Marahil ayaw kong mapahiya ang mga taong mahal ko. Anuman ang dahilan, isang bagay lang ang aking nasisiguro, hindi na ako muling mag-aakala.

Isang malaking sirko ang buhay. May mga payaso, may mga naglililider-lideran, maraming mababangis na hayop ang nakakaawang nakakulong, mga sirenang pinagpipiyestahan, tsubibong mahinang umiikot na tila inaalok ang mundong maaring makita sa tuktok, sasakyang rondilyong nagpapaiyak sa mga mahihina ang loob, at taong kumakain ng buhay na manok.

Magulo ang mundo. Walang lugar na ligtas. Noong gabing malaman ko ang katotohanan, tila bang may isang bola ng laway sa aking lalamunan na hindi ko malunok-lunok. Gusto kong idura pero hindi ko alam kung paano. Gusto kong sumigaw at ipaalam sa buong mundo ang pighati’t lumbay pero may pumipigil.

Hindi na yata ako magtitiwala ulit. Hindi ko na kaya. Ganoon pala kasakit. Ang pagtaksilan ng isang taong pinagkalooban mo ng iyong buong buhay. Ang malamang traydor ang iyong pinagkakatiwalaan. Ang malaman na ang inakala mong magandang buhay ay isang malaking kasinungalingan. Ang malamang gago ka pala at nagpapakagago lang.
Masakit pero ganun talaga. Balak ko na lang magsimula ulit. Marami na akong pinagdaanan, wala akong balak magpatalo sa kasalukuyang dalamhati. Pero humihingi ako ng panahon para makapaghilom at makapaghanda. Para sa isang bagong buhay paglalakbay. Adbentyur ulet ‘to!!! Wohoo!!!

~ by tuldok on November 13, 2008.

One Response to “Maraming Namamatay sa Maling Akala”

  1. …ms.tuldok,…. honestly, di co lam qng pano aco mg-cocomment kc nahihiya acong bka may msbi akong pangit, kc npka-professional m… hMm..nainspire m nnman aco…

    …niweys, nka-relate nnman aco d2 s article m n’to.. wla nrin papa co… gnun p man,… p2loy prin dpat buhay ntin, ska njan p nman mga mama nten… MYMP! aha^_^ dmi p tau adventures n pgdadaanan! OYE..!

    KIP SMILING^_^

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: