Si Tatay

(Pakiusap, pagnilayan mo muna ang huling entry bago mo ito basahin. Oo, kahit mahaba.)

Galit ako sa mga taong nagagalit sa akin kapag sinasabi kong wala akong pakialam sa tatay ko. Siguro may dahilan kung bakit sila nagagalit. Kung para sa kanila isang malaking pagkakamali yun, sa akin — sapat ang dahilan ko upang kasuklaman s’ya.

Buhay-prinsesa ako noong maliit ako. Pakiramdam ko kontento ako, lahat meron ako, lahat ng hilingin ko, ibinibigay sa akin. Hindi ko ikinakailang lumaki ako na hindi salat sa kahit anong materyal na karangyaan. Mayaman kami (dati). Marami akong laruan. May trabaho ang tatay.

Kapalit ng labis-labis na materyal na bagay ang maagang pagnakaw sa pagkabata naming magkakapatid. Lumaki kaming araw-araw ginigising ng bulyawan ni tatay at ni nanay. At habang mahimbing na natutulog ang mga kalaro ko sa gabi, patuloy ang pag-iyak namin. Madalas din kaming gabi-gabing lumalabas para lamang hanapin si nanay, naka-bisekleta, basang-basa ang pisngi ng luha at kinakabog na baka hindi mahanap si nanay o baka maabutan ng mga asong napukaw namin.

Galit ako sa nanay, hindi n’ya kasi ako pinapansin. Ang hindi ko alam, sinisira ko na pala ang buhay n’ya.

Apoy sa likod ng kusina, mga papel na sinusunog, gusto kong buhusan ng tubig yung mga kahel na kamay na pilit inaabot ang langit, nanginginig ako, gusto kong umiyak pero papaluin daw ako ni tatay.

Mahapdi ang asin sa ilalim ng mga tuhod ko, naiihi na ako, nangangawit na ang mga braso ko, mabibigat yung mga libro, gusto ko nang tumayo sa pagkaluhod pero natatakot akong mahagupit ulit ng bakal sa dulo ng sinturon ni tatay.

Nasusuka na ako, hindi na kaya ng katawan ko, katatapos ko lang linisin ng buong bahay, parusa ni tatay, nasa likod ako ng grotto, ang daming dumi ng pusa, hindi ko na kaya, pero kailangan kong tapusin ‘to, magagalit si tatay.

Gusto ko nang tumigil pero baka maabutan ako ni tatay, kumikirot pa rin ang kalamnan ko, malakas yung pagkasuntok n’ya, sumusuko na yung mga paa ko, galing pa ako ng bahay, madaling araw na, nakarating ako ng palengke, nagtago sa likod ng isang tindahan, umupo sa malamig at maruming palitada, at nagsimulang magdasal.

Ginising ako ni tatay, amoy alak s’ya, sinapak ako, natumba at nakabig ang Christmas Tree, malakas itong bumagsak, tumakbo ako pababa at aksidenteng nasabit ang kanang paa sa pako, tumutulo ang dugo.

Pinilit kong isara ang mga tainga ko, inutusan kong huwag tumulo ang mga luha ko, pero sinuway nila ako, patuloy kong naririnig si nanay na humihingi ng tulong sa lolo kong matagal nang patay habang parang sanggol na nakabaluktot sa sulok ng kuwarto. Kunin n’yo na ako…gusto ko nang mamatay…ayaw ko na dito!!!

Tumigil ang puso ko, nandidilat ang mga mata ko, hindi ako makagalaw, natatakot na baka madurog sa daan-daang bubog ang salamin sa ibabaw ng hapag, nagalit si tatay kanina habang kumakain kami, sinuntok n’ya ang salamin gamit ang basong hawak-hawak n’ya sa kanang kamay at nahati ito sa gitna, tumakbo silang lahat papalabas, naiwan akong mag-isa, hindi ako umiyak, pero pabulong kong hiniling na mamatay na lang, paulit-ulit.

Tunog ng putok ng baril, nanggaling sa itaas, dalawang beses, nayanig ang buong katawan ko, ayaw ko na.

Marami akong mga alaalang pinipilit kalimutan. Ilan lang ‘yan. Pero kahit anong subok ko, pinupuno pa rin nila ang isipan ko. Kahit sa pagtulog ayaw nila akong lubayan.

Maraming taon akong naging suicidal. Maraming taon kong pinilit kalabanin ang mga alaalang dahan-dahang sumisira sa pagkatao ko. Maraming taon akong nagkunwaring normal ang mga nangyayari. Maraming taon kong niloko ang sarili ko. Maraming taon akong nagtago sa likod ng isang maskara. At hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang maskara.

Mula nang magkamalay ako hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon. Ganoon pa rin, patuloy ang pagtulo ng mga luha, ang pagdarasal ni nanay, ang ngasngas ni tatay, at ang matinding takot.

Sana…bago n’yo ako pagalitan, alamin n’yo muna ang katotohanan kung bakit ko hinihintay mawala ang tatay.

~ by tuldok on April 30, 2006.

3 Responses to “Si Tatay”

  1. nux, olyn na olyn ah.

  2. […] ako para sa undas. Para bisitahin ang aking ama. Oo, tama. Wala na Si Tatay. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang nakawin ng sakit na liver cirrhosis ang kanyang […]

  3. Di ka naman dapat sisihin. Pero don’t forget forgiveness… Mahirap, pero yun ang best way.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: