Si Nanay

Nag-text ang nanay ko kanina:

*toot* padala metro 10k ano kaya nyo *toot* maglipat mga gamit doon muna *toot* mag rent na lang truck elf sabi mo *toot* mayron naman kargador ang truck ang ibang pera tago mo para dagdagan pang-repair ng computer mo

Oo, barok. Barok nga ang nanay ko. Pero hindi ‘yan ang gusto kong pag-usapan natin ngayon.

55 na ang nanay ko, hindi nakapagtapos ng kolehiyo — undergraduate s’ya, hanggang 2nd year lang, Management sana ang course n’ya — dahil mas ginusto n’ya raw magtrabaho.

Tuldok-Anak: Bakit hindi ka nagtapos?

Barok-Nanay: Ewan. Ewan ko nga ba. Mas pinili ko pang magtinda ng kamatis sa palengke kaysa mag-aral.

Lahat ng kapatid n’ya nakapagtapos, karamihan Management ang kurso. Ang nanay ko? ‘Some College’ lang ang inabot pero naipagpatayo n’ya ng sariling bahay ang mga magulang n’ya. Napagtapos ang dalawa sa mga anak n’ya, pinapag-aral ang tatlo. Marami at malalaki ang negosyo n’ya, kumikita s’ya ng milyun-milyon bawat taon…pero bakit hindi s’ya masaya?

Sa isang tao lang umiikot ang mundo ko. Kapag naiiyak s’ya, naiiyak ako. Kapag natutuwa s’ya, natutuwa rin ako. Kapag sinasaktan s’ya, ako ang gumaganti, kahit kailan kasi hindi ko pa s’ya nakitang gumanti, nakalimutan yata s’yang turuan ng nanay n’ya. Mabait ang nanay ko, sabi ko at sabi nila. Pero bakit sa kabila ng labis-labis na kabaitan…nakakalimutan yata s’yang suklian?

Maagang nag-asawa ang nanay ko, nabuntis muna s’ya bago ikinasal. Wala akong pakialam kung naunang mabuo ang ate ko sa tiyan n’ya bago s’ya nangako sa harap ng altar, ang kinaiinisan ko: bakit sa kanya s’ya nagpabuntis?

Malaking kahihiyan ang tinatawag kong tatay. Hindi kami magkasundo. Adik s’ya sa alak. Babaero s’ya. Makailang beses n’ya nang pisikal na sinaktan ang mga anak at asawa n’ya. At hindi ko s’ya inererespeto. Hindi n’ya naman kasi alam ang ibig sabihin ng salitang yun, kaya bakit ko s’ya bibigyan nun? Sa madaling salita, gago s’ya at madalas, araw-araw n’ya kaming ginagago pero dahil ako si Tuldok, hindi ako nagpapagago. Maliban sa pinakamatanda kong kapatid, sa akin s’ya lubos na nagagalit, ako raw ang black sheep. Hayop daw ako — lahat ng mura ikinakabit n’ya sa pangalan ko, lahat ng masama — ako yun, lahat yun dahil ipinagtatanggol ko ang nanay ko. Kapag natatapakan ko na ang pride n’ya, lalakad ako ng mga ilang metro patalikod, magsisimula na kasi ang misa, uulan na ng mura, ngawngaw at ngasngas, BOX!

Sa Metro Manila ako nag-aaral, pero probinsyana ako. Sa Bicol, doon ako lumaki, nanirahan ng halos labing-anim na taon at naging saksi ng WWIII. Dalawang beses pa lang akong umuuwi at noong huling uwi ko, ginanap ang shooting para sa isang action film: Nagbabantay ako sa tindahan, nasa likod sila ng bahay, nanananghalian. (Nasa harap lang kasi ng bahay ang tindahan namin.) Hindi pa ako gutom at na-miss ko ang tumao sa tindahan kaya parati akong nagbabantay. Maya-maya pa, nagsimula na ang sigawan mula sa kusina. Napailing ako. Syet, ang aga ng shooting. Tumayo ako mula sa kinauupuan ko, lumingon sa kusina at — bog! Suntok sa kaliwang braso ang humabol sa nanay ko, papaakyat na sana s’ya ng hagdan nung hinabol s’ya ng tatay ko. Tumakbo ako paloob at binatukan ang tatay ko. Syempre, nagalit s’ya at sinuntok ako sa likod. Putang ina, dumilim ang paningin ko, hindi ko na napigilan ang sarili ko, nawala lahat ng respeto kong natitira para sa kanya at sumunod kong natandaan dumudugo na ang kanang kamay ko. Tumakbo ako palabas na namamanhid ang kamay at namumula ang mga pisngi. Mga ilang minuto lang, pumasok na ulit ako ng bahay. At ayun ang tatay ko, nakaupo, namamaga ang mga pisngi, sabog ang noo at dakong itaas ng labi. Lumapit sa akin ang ate ko. Putang ina, puwede ka na palang iharap kay Tyson.

Sabi ng iba, masaya raw kapag malaki ang pamilya, yung maraming anak; the more, the merrier. Siguro. Kung pipi at lampa lahat ng anak mo. Lima kaming magkakapatid. Pang-apat ako, napapagitnaan ng bunso at nag-iisang lalaki. Kaya masaya ang buhay ko (ha-ha), ala-middle child, child na wala sa middle pero s’yang dumaranas ng middle child syndrome. Lumaki kami sa hindi masyadong masayang paligid. Sadista si tatay, masokista naman si nanay. (N.B.: Sadista = sadist and masokista = masochist were used in a platonic context.) At ang mga anak nila, lumaking mga gago’t gaga.

Ang pinakamatanda kong kapatid, grumadweyt sa tanyag na paaralan, UP Los Baños, matalino s’ya (pero mas matalino ako ng kaunti — ha-ha) pero tanga s’ya. Nagtatrabaho sa isang kompanya, na gumagawa ng mga animal feed, na pag-aari ng isang Koreano. Tatlo ang credit cards n’ya. Hobbies n’ya ang photography, badminton, lawn tennis, table tennis at scuba diving. Sa madaling salita, mataas ang cost of living n’ya at bago pa man s’ya makapagbigay ng buwanang bayad sa Fitness First, wala nang natira para sa nanay ko o kahit pang-allowance ko man lang.

Sister #2, maputi, sexy, may sense of humor. Hobbies: shopping, pangongolekta ng boyfriend atbp. Tulad ng pakikipagrelasyon sa lalaking may asawa na. Habang araw-araw s’yang nagpapa-parlor at gabi-gabing gumigimik, sabay ang panghihina ng katawan ng nanay ko.

Ang nag-iisa kong kapatid na lalaki, na-kick-out ng UST, matapos ang apat na taon na pag-aaral ng Architecture, malapit na sana s’yang grumadweyt. Adek sa Ragnarok at s’yang naging dahilan ng pagkasira ng computer ko. Kasalukuyan s’yang nag-aaral ng Nursing habang patuloy ang pakikipaglaro ng apoy sa girlfriend na iniiwasan n’yang mabuntis.

Mabait ang bunso kong kapatid, adorable. 14 years old na s’ya. At may girlfriend na s’ya. Magwa-one year na yata sila. Standing strong. Astig, ‘no? Nung kapanahunan ko, crush lang nga, bawal na. Nga pala…babae yung kapatid ko.

Ako? Ako raw ang pinakamatalino sa amin. Ako raw ang pinakamatulungin. Ako raw ang pinakamagaling. Ako raw ang pinakamabait. Sabi ‘yan ng mga tao. Pero putang ina, sana kilala nila ako. Sana naging totoo na lang lahat ng sinasabi nila. Nahihirapan na kasi ako. Ayaw ko kasing nakikitang nasasaktan ang taong iniikutan ng mundo ko. Mahal ko kasi ang nanay ko. At alam ko — kahit ayaw kong aminin at isipin — na mawawala at iiwan n’ya rin kami — ako — balang-araw, at ayaw kong mangyari yun na hindi man lang n’ya naranasan kung pa’no maging masaya.

Pero may isang bagay akong maipagmamalaki sa tatay at mga kapatid ko: Mahal ko ang nanay ko, alam kong mahal din nila si mama, ano nga ba ang pagkakaiba nun? Simple lang, pansin kong nahihirapan at nasasaktan ang taong bumubuhay sa amin at kahit hirap ako, gumagawa ako ng paraan para matulungan s’ya.

~ by tuldok on April 28, 2006.

4 Responses to “Si Nanay”

  1. same thing with mine, ayaw ko rin mawala mama ko ng di ko man lang pinakita sa kanya na sobra pagpapahalaga at pagmamahal ko sa kanya. mukha kasi akong pabaya sa labas.

    hwag mong isipin na wala kang kwenta at hindi iyon totoo… nakakatuwa nga kayo eh marami. kahit mukhang hindi maganda ugali ng tatay mo, you still have to respect him. pero sympre nakakapang-init din iyon na nakikita mong sinasaktan nya nanay mo kahit ako siguro ganun din gagawin ko. well, that’s life nga hindi lahat talaga nasa tama. pero im sure malalagpasan mo rin ito.

  2. Naaliw naman ako sa kwento mo sa mga kapatid mo.😉

    Pero… nakakapanghinayang naman ang ginagawa ng mga kapatid mo, wag naman sanang masayang ang pinaghirapan ng inyong ina. I’m not judging your siblings… binabase ko lang ang opinyon ko sa kwento mo.😉

  3. .,

    hmmm…lapit na mother’s day.

    gari

  4. nakakatots naman ang kwento nyo..

    gusto ko rin na lumigaya ang nanay ko bago siya lumisan..
    kaya pagbubutigan ko pag-aaral ko..^^

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: