Bughaw ang Langit

Maglaro tayo. Kunwari nasa ibang mundo tayo. Sandali lang 'to. Sige na.

(Walang signal ang Smart dito, wala ring Globe at Sun Cell, kaya itapon mo na muna 'yang telepono mo.)

Mabagal na umiikot ang mundo. 40.5 hours ang isang araw, oo, ganoon nga kabagal. Matagal na sumisikat ang haring araw at matagal mo ring makikita ang buwan at mga bituin sa madilim na bughaw na langit. Dalawa lang ang seasons, tanging tag-ulan at taglagas lang ang maaring magpanginig at magpatindig ng mga balahibo mo (walang tag-araw, ambaho naman kasi ng mga tao kapag pinagpapawisan).

Kung taglagas, malaya kang makakapaglaro ng habulan kasama ang ihip ng hangin, mabango ang mga damo at masarap pagmasdan ang mga kahel na dahon na dahan-dahang nahuhulog mula sa mga puno na tila isa-isang pinipitas ng mga diwata.

Kung tag-ulan, malaya mong mapapakinggan ang mga patak ng ulan sa bubungan, walang ugong ng jeep at walang sumisigaw ng "DI-BI-DI, DI-BI-DI" sa kalye, tanging ang marahang mga patak ng tubig mula sa langit lamang. Malaya kang magpa-ulan at magtampisaw, walang luad, mabango ang lupa, hindi mainit, tama lang.

Sa umaga, maraming ibon sa langit, kulay bahaghari, masayang nag-aawitan, halatang lubos na natutuwa at nagpapasalamat sa kanilang kasarinlan. Maraming kuneho, kulay pula, walang tigil na naglulundagan sa damuhan, nagbibiruan, nagtatawanan.

Sa gabi, walang pagod ang mga bituin. Maliwanag. Makislap. Matamis sa mata. Basa-basa ang damuhan, masarap higaan habang nakapikit kang naghihintay sa susunod na pagsikat ng araw.

Walang sakit dito, walang luha, walang galit. Kalayaan. At. Pag-ibig. 'Yon lang.

Wala ka sa paraiso, walang paraiso. Mundo ko 'to. Pero kailangan mo nang magpaalam.

~ by tuldok on March 27, 2006.

2 Responses to “Bughaw ang Langit”

  1. sana makapunta ako sa mundo mo🙂

  2. Ako rin, sama ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: