Call My Lawyers!!!

Malapit na ang araw ng paghatol sa nasasakdal. Dapat na bang mangamba? Dapat na bang mataranta?

Matagal-tagal na rin akong naninirahan sa planetang ito, mahaba-haba na rin ang aking nalakbay mula pagkabata, mga ilang libong milya na siguro, mula sa pinakaunang hakbang na ikinatuwa ng mga magulang ko hanggang sa huling lagapak ng tsinelas ko sa kanang paa bago umupo sa harap computer ngayon. Ilang baldeng bigas na rin siguro ang masaya, malungkot at pinilit kong kinain mula noong tinuruan ako ng nanay ko kung paano habulin ang tren na kutsarang kanin habang nagtsu-"chu! chu!"

Natuto akong magsalita, magbasa, kumanta, sumayaw at sumigaw ng "Happy Birthday!", "Gusto ko n'yaaaaaan!!!", "Penge ng piso!!!", at 'di naglaon…"P*tang ina moooooo!!!"

Mahigit tatlumpung bolpen din siguro ang nagamit ko sa pagsusulat sa apat kong diary, at ilang libong taguktok na rin ang narinig ko mula sa iba't-ibang keyboard buhat nang natuto akong gumamit ng computer sa edad na sampu hanggang sa sinimulan ko ang pinakauna kong online diary o blog noong ako'y labinlimang taong gulang.

Hindi ko na mabilang ang mga librong nabasa ko mula pagkabata (pero kabisado ko pa rin kung ilang libro pa ang hindi naisasauli sa akin hanggang ngayon, at 'yon ay ang Memoirs of a Geisha, Like Water for Chocolate, To Kill a Mockingbird, The Little Prince, The Alchemist, Scarlet Letter, The Iliad at Secret Garden; sa mga walang planong magsauli, parang awa n'yo na, kung ayaw n'yong pandilatan kayo ng karma, sa España lang ako nakatira, dun sa yellow apartment) at ilang beses na rin akong umiyak dahil hindi ko mabasa ang kuwentong Brothers and Sisters sa harap ng klase noong Grade 1 ako.

Anim na paaralan na ang aking napasukan mula Nursery hanggang sa kasalukuyan. Natuto akong magsalita ng lengguwaheng Bikol, Tagalog at nagpakahirap mag-aral ng Intsik. (Nga pala, ang nabanggit kong kuwentong Brothers and Sisters kanina ay sa lengguwaheng Fookien Chinese. Putek. Di ko nga alam kung pa'no itanong kung ikaw yung umutot, tapos pababasahin mo ako ng libro? Ikaw kaya???!!! Hanggang ngayon, numero, parte ng katawan at ilang salita tulad ng "i luv u" lang ang kaya kong isambit gamit ang wika ng mga kuripot.) Naging Best in Math, Best in English, Best in Science, Most Thoughtful at Most Generous na rin ako. Naging 2nd, 3rd, 4th, 5th, 11th, 15th at 25th honors na rin ako sa klase. Kinamuhian at kasalukuyan pa ring kinamumuhian ang Math. Natuto rin ako ng HTML at pinag-aralan ang Turbo Pascal, Turbo C, Java at Assembly sa loob ng dalawang taon (at kinalimutan sa loob ng isang araw).

Marami na rin akong nakuhang peklat na sumira sa aking mala-porselanang kutis. (Hindi yung porselanang idini-display para makita ng bisita o yung pinaglalagyan ng bulaklak sa gitna ng hapagkainan, ha? Kung hindi ay yung porselanang parang galing Divisoria na ginagawang bowling pins ng mga batang tumutulo ang sipon at naghihithit ng rugby, yung tipong pinapasagasaan sa tren?) Ilang beses din ginawang camping ground ng mga kuto ang buhok ko noong elementary at high school pa ako, pero umepekto yata ang pagtawag ko sa Our Mother of Perpetual Help at sa mga diyosa ng kagandahan ng iba't-bang relihiyon at sumuko rin yung mga kuto nung alikabok na lang ang nasisipsip nila. Tatlong beses na rin akong nagpa-unat ng buhok, yung unang beses ay nalagas ang halos kalahati ng mga buhok na bumabalot sa anit ko, amoy malunggay na may gata pa ang kamay ng baklang naglagay ng (hinala kong) SOSA (oo! yung panglinis ng inidoro) sa ulo ko.

Ilang ulit na rin akong nakurot, nasapak at nabugbog ng magulang. At ilang ulit na rin akong nangurot, nanapak at nambugbog ng magulang. (Pinasabog ko pa ang noo! Oo, kaya magdalawang-isip ka na kung balak mong tumigil sa pagbabasa.) Napaluhod na rin ako sa palay habang sinisinturon. At siguro mga mahigit limampung beses din akong natakot na paluin at napalo ng sinturong may bakal sa dulo.

Ilang milyong patak ng luha na rin ang naiiyak ko dahil sa pang-iinis ng mga ate ko, pang-aagaw ng bunso kong kapatid, paninipa at panununtok ng kuya ko, pag-aaway ng mga magulang ko, pangmumura ng tatay ko, pagkainis ng nanay  ko, pagbagsak sa mga pagsusulit, pagkadapa sa may pintuan ng banyo sa 3rd floor ng Math Bldg. (ay mali, humalakhak pala ako noon upang maitago ang sobrang hiya), sobrang kasiyahan, pagka-ipit ng kamay sa bintana, pagkapilay at pagkabigo sa….

Natuto akong tumugtog ng metallophone, gitara, violin, piano at drums (at higit sa lahat, magsinungaling, yung unang instrumento lang na nabanggit ang kaya kong tugtugin).

Naging idolo ko rin si Britney Spears, kinamuhian at kasalukuyang tinatratong uhmmm…wala lang. Naging punkista, rakista at masahista (haha — wala na akong maidugtong, pero, pramis, di pa ako nagiging masahista). Makailang beses na rin akong nagnakaw ng tinidor at plato sa tinatambayan namin pansitan noong high school ako, may mga kagamitan naman kami sa kusina sa bahay, wala lang yata kaming magawa.

At ngayon, dahil mukhang lumalalim ang ka-korneehan ng aking isinusulat, oras na upang tuldukan, dahil mukhang lubusan ko nang napahiya ang aking sarili, oras na upang tuldukan…

Malapit na ang araw ng paghatol sa nasasakdal. Dapat na bang mangamba? Dapat na bang mataranta?

Call my lawyers!!! All of them!!! Magdidise-otso na ako!!!

Malapit na ang araw ng paghatol sa nasasakdal. Dapat na bang mangamba? Dapat na bang mataranta?

Isang buwan, limang araw, tatlong oras at labing-anim na segundo na lang.

~ by tuldok on March 25, 2006.

2 Responses to “Call My Lawyers!!!”

  1. waheheheeh bute na lang ako e isang masahista🙂 kaw hindi bleh!!!

  2. nakakatuwa naman ang blog mo..hahaha..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: