Eng’g Ako, Ikaw?

Anong sabi mo?! Mage-HRIM ka?! Seryoso ka ba???!!! *sabay tumbling at pandidilat ng mga mata*

Kahit kelan siguro hindi ko naman talaga pinangarap na magtrabaho lamang sa loob ng isang cubicle, pa-type-type, pakape-kape. Maraming nanghihinayang, baket daw ako lilipat ng kursong hindi bagay sa akin (para lang daw sa magaganda at marurunong magluto yun) samantalang nasa Department of Computer Science(DCS) na raw ako, samantalang nasa College of Engineering(ENG'G) na raw ako sa isang mahalaga at tanyag na unibersidad sa bansa.

Anong College mo?
ENG'G.
Engineering! Huwaw! Naks! Sikat ka, ah!

Ang mga ENG'G people raw ang yung tipong matatalino talaga. Matatalas ang isip, magagaling sa Calculus at Physics, marurunong kumilatis ng eleganteng formula sa hindi, marurunong maghanap ng pattern sa numero. At sinasabing ang DCS daw ang nagsisilbing bahay para sa mga pinakamauutak na estudyante ng ENG'G. (Pa'nong di ka huhusay kung araw-araw kang nakikipaglaro ng patintero ng kamatayan sa magigiting mong propesor na mahihigpit pa sa tatay mo?) Lahat ng iyan tila ginarantiya sa amin, gagaling daw kami basta't magtitiyaga at magsusunog ng kilay, magiging bahagi kami ng elite group ng unibersidad.

Inaamin kong minsan din akong nangarap na maging bahagi ng isang grupong gumagawa ng milagro sa pamamagitan ng computer. Panatika ako ng teknolohiya (pero wala akong pambili), bilib ako sa mga programmers, pinangarap ko ring maging katulad nila…pero talagang hanggang dun na lang yata yun.

Pinilit ko, pero kahit anong pilit kong pagsisipag, natatalo pa rin ako ng katamaran at pagka-uyam sa pinasukang sitwasyon. Tamad akong bata, at hindi ko ikinakaila yun. At lalong tamad ako kapag alam kong hindi ko gusto at kahit kailan ay hindi ko magiging gusto ang ginagawa ko. Kumbaga, pampalipas oras lang, ginawa kong pampalipas oras ang pakikipaghabulan sa mga deadline para sa mga proyekto sa programming. Para sa thrill.

Lalo pa akong nainis nung naitindihan ko nang tuluyan na hindi lang sa ayaw ko ng pinasukan ko, yun palang gusto ko…nasa tabi-tabi lang, di ko agad naisip at naipaglaban.

Mahilig akong magtanong. Mahilig akong mag-isip. Kung panatika ako ng teknolohiya, lalong panatika ako ng pilosopiya. Magagawa kong makipagdebate sa'yo nang magdamag na hindi isinusuko ang pinaninindigang prinsipyo. Kaya kong ipagpalit ang pag-aaral para sa Calculus exam sa walong oras na pakikipagdiskusyon kung may Diyos nga ba o wala.

Mahilig akong magkuwento. Mahilig akong magsulat. Kung panatika ako ng teknolohiya, lalong panatika ako ng malikhaing pagsulat. Ibabagsak ko na lang ang Physics kung kapalit nito ay malayang paghahayag ng mga ideya ko sa isang piraso ng papel. (Tulad ngayon. Haha. May exam pala ako mamaya.)

Hindi ako magaling na philosopher, hindi rin ako magaling na writer pero alam kong iyon ang gusto kong maging at gusto kong gawin. Makailang beses ko na rin tinangkang ipaalam sa kanila na ayaw ko na talaga pero natatakot ako. Kapag pabiro kong binabanggit na napapagod na ako at mas gusto kong magsulat, natatawa sila, ano naman daw ang mapapala ko doon? Sabagay, tama sila, mayayaman lang ang may karapatang pumili ng mga sarili nilang desisyon sa buhay. Siguro ganun na lang yun, habang-buhay akong matatakot ipaalam kung ano ang gusto ko, kung ano at sino talaga ako.

Anong sabi mo?! Mage-HRIM ka?! Seryoso ka ba???!!! *sabay tumbling at pandidilat ng mga mata*

Ngayon, baket nga ba ako mage-HRIM? Malaki rin kasi ang pera doon, parang CS. Walang Calculus at walang Physics. Hindi gaanong mahirap kumpara sa CS. Hindi ko naman minamaliit ang HRIM, ang sa akin lang, hindi ako gaanong mahihirapan kasi wala naman doon ang mga ayaw ko.

Sa madaling salita, tumatakas lang ako. Ganoon naman talaga ang buhay, diba? Patakas-takas lang sa mga kinakatakutan. Takbo paroon, takbo parito. Kaya ako nag-CS kasi ayaw kong mag-Nursing, kaya ako mage-HRIM kasi ayaw ko na ng CS. Pero alam ko namang darating ang panahon na kailangan kong harapin lahat ng mga tinatakasan ko. Pero sa ngayon, kontento na akong nagtatago.

Mas mahirap kasi kung lalabas kang hindi handa.

~ by tuldok on February 27, 2006.

2 Responses to “Eng’g Ako, Ikaw?”

  1. Ay, Tuldok. Pareho tayo ng layout? Ahaha!😉

  2. ako din, mas gusto ko pang magsulat kesa mag take ng certfication exams ng cisco o microsoft, dahil IT ako… ndi ko naman cia first choice, para saken, ang buhay ko tlga ay asa pag susulat, ngayon, nag tratrabaho nako sa isang malaking companya, ganun din, ciempre asa harap ng computer, pero pag may naki2ta kong job opening sa comm arts as creative writers, nalulungkot ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: