Magdadrama Lang Po

Kumukulo na ang tiyan ko. May pagkain sa kusina pero pinipigil ko muna ang sarili ko. Mamaya na, mga isang oras pa siguro. Kailangan kong matutong idisiplina ang sarili ko, maibalik ang regular kong routine araw-araw at matutong lagyan ng direksyon ang bawat gagawin ko. Kailangan ko nang ayusin ang buhay ko kung ayaw kong maging isang taong kakasuklaman ko ng higit pa sa pagkasuklam ko sa sarili ko ngayon.

Mahirap lagyan ng direksyon ang buhay, lalo na't wala akong ibang maaring kapitan kundi ang sarili ko. Mahirap kausapin ang sarili, mahirap umiyak sa gabi na ako lang ang nakakarinig. Masakit suntukin ang pader at pagmasdan ang dugo na tumulo mula sa mga daliri. Mahirap tumingin sa salamin at…makitang itim-puti ang mga mata.

Hindi ko alam kung bakit hindi ako marunong magtiwala. Takot na siguro ako. Takot na maloko ulit. Takot na manakawan ng mga taong mapagsamantala sa kahinaan ng iba.

Nitong mga nakalipas na buwan, nahalata kong unti-unting natuyo ang mga mata ko. Pinilit kong umiyak pero ayaw tumulo ng mga luha. Pinilit kong sumigaw pero ayaw bumukas ng mga labi ko. Pinilit kong huwag huminga pero tumitibok pa rin ang puso ko. Pinilit kong paintindihin ang sarili ko na okay lang ang lahat at hindi ko kailangang pigilan ang emosyon ko, pero wala. Wala na akong magawa kundi pagmasdan na lang ang sarili mula sa malayo at pagtawanan ang pekeng lakas ng loob na bumabalot sa katawan ko. Para akong isang buhay na inaamag sa katagalan ng panahon at pagkakulong sa isang malamig at mabahong kahon. Para akong bangkay na nalalamang hindi na didilat ngunit nagdadasal na mabuhay muli.

Hindi na ako umasang mababasa pa ulit ng malalamig na luha ang mga pisngi ko. Hindi na ako naghintay na mapagod at bumigay ang mga mata ko sa karumihang nakikita n'ya araw-araw. Pero kanina lang, hindi ko alam kung bakit, kung paano, bumitaw ang isang luha mula sa kaliwang mata ko. Luha. Luha nga. At kasunod ang pagtulo pa ng ibang patak at parang dumaan ang isang bagyo mula sa katawan ko. Patungo sa langit, patungo sa mga pinakawalan kong pangarap….

~ by tuldok on September 20, 0205.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: