Masaya kong tinitigan ang mga ulap habang inaamoy ang kulay-kaking damong kinauupuan. Tag-araw pero hindi alintana ang init ng simoy ng hangin, parang magiliw na haplos ng isang bata. Tag-araw, pero parang isang malawak at umaawit na lilim ang mga ibon sa langit. Musika ang tawanan ng mga batang naglalaro ng habulan sa kabilang dako ng parke. Nakakatuwang panoorin ang mga nangingibig sa ilalim ng mga puno. Payapa.
Naisip kong maraming sekretong itinatago ang parkeng ito, mga sekretong nabunyag sa ibabaw ng mga damong handang kumalinga sa mga gustong magbuhos ng tuwa o luha, sa ilalim ng mga punong hindi tatalikuran ang talumpati ng sinuman. Makailang beses na rin akong nakakita ng mga umiiyak – mag-isa o grupo – at nakarinig ng mga humahalakhak habang hinihintay ang paglubog ng araw. Ito ang tahanan ng mga taong nais maranasan ang yakap ng isang mapayapang mundo, taliwas sa pangungutya.
Ate, bili ka na. Pasensya na, ah, may ipit pa kasi ako. Sige na, ‘te, baon ko lang bukas. Pasensya na talaga. Saan ka ba nag-aaral? D’yan lang po sa Balara. Anong grade mo na? Greyd 6 na po ako, ‘te. Alam mo, ‘te, ga-gradweyt na nga po ako sa linggo. Huwaw! Astig, ah, congratulations. Gusto ko pong yumaman. Ako rin, pareho pala tayo ng pangarap. Pag-igihan mo lang ‘yang pag-aaral mo. Eh di itutuloy mo yung high school? Opo, siguro. Asan ba mga magulang mo? Baket ka nagtitinda? Yung nanay ko po nangangalakal din dito ng basura, yung tatay ko po iniwan na kami. May pamilya na s’yang iba. Sinasaktan n’ya nga po ang nanay ko dati. Eh, yung mga kapatid mo? Yung kuya ko po, hindi na nag-aaral, nagsusugal lang po tapos hindi pa nagta-trabaho, sinisigawan n’ya pa nanay ko tsaka sinasaktan kami kapag hindi s’ya binibigyan ng pera. Yung ate ko po hayskul, ako yung sumunod sa kanya. Tsaka yung bunso, greyd 1 po. Pareho pala tayo ng istorya ng buhay, eh. Ha? Baket po? Mahabang istorya, pero magulo rin ang pamilya namin. Pero kahit na magulo, gusto ko pa ring yumaman, marami akong pangarap para sa kanila na gustong tuparin. Hehe. Ako rin po! Yung nanay mo na lang pala kasama n’yo. Paglaki ko gusto ko magkaroon ng power. Para pag matanda na nanay ko pababatain ko s’ya. Ayos, ah! Gusto ko rin n’yan. Sabi n’ya sa akin dati, gusto n’ya raw kapag namatay na s’ya, dun s’ya ililibang sa isang malaking bahay, yung parang sa mga intsik, para pag magbibisita kami may matutuluyan kami. Para raw hindi s’ya dadaan-daanan lang tsaka tatapaktapakan kapag may mga dumadaan. Okey lang daw na nasasaktan s’ya ngayon, pero ayaw n’ya raw po kapag patay na s’ya. Kawawa naman nanay mo, eh di s’yempre mahal na mahal mo s’ya? Opo. Ilang beses ka bang mag ‘I love you’ sa isang araw? Hindi po. (Tawa.) Nahihiya po ako. Hindi ko nga po maibigay yung mga kard na ginagawa sa skul kapag balemtayms. Aasarin lang ako ng bunso kong kapatid, parati akong inaasar nun, eh. ‘Te, anong pangalan mo? Ako? *toot* Ikaw? Jepriy po. May boyfriend na po kayo? Baket ka nagtatanong? Liligawan mo ako? (Tawa.) Hindi po. Wala lang po kasi kaleyj na kayo, diba? Wala, eh. Di naman kailangan sa buhay ‘yan, di naman ako payayamanin n’yan. (Tawa.) ‘Te, may tugtog ba ‘yan? Alin? ‘Yan, o, yung nakasabit sa leeg mo. Ah, ito? Oo, gusto mong makinig? Sige! Eraserheads ‘yan. Alam ko ‘to, ah. Maliit na butas lumalake! Konteng gusot dumarame…’Te, o! May eroplano. Oo nga…taas ng lipad, ‘no?

Mga Komento